Umaasa pa rin ang kampo ni dating Negros Oriental 3rd District Representative Arnolfo Teves Jr. na pagbibigyan ng Timor Leste ang inihaing political asylum request ng kanilang kliyente.
Kung maaalala, humiling ng asylum si Teves matapos na madawit ang pangalan nito bilang utak umano sa pagkamatay ni dating Negros Oriental Governor Roel Degamo.
Patong-patong na kaso ang kinakaharap ni Teves sa Pilipinas dahil sa pagkakasawi ni Degamo at siyam na iba pang nadamay.
Tumanggi noon ang dating mambabatas na umuwi ng bansa sa kabila ng mga panawagan ng kapwa nito mambabatas at iba pang opisyal ng pamahalaan dahil sa umano’y seryosong banta sa kanyang buhay.
Marso 21, 2024 nang maaresto ito ng Timor Leste Police sa naturang bansa habang naglalaro ng Golf.
Hindi na ito nakapalag pa ng arestuhin matapos na ilabas ng INTERPOL ang red notice laban sa kanya.
Ilang linggo matapos na maaresto, nakatanggap ng impormasyon ang DOJ hinggil sa umanoy panunuhol ng anak nito sa ilang awtoridad sa East Timor para bigyan ng special treatment o proteksyon ang kanyang ama.
Kinondena naman ito ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla at hiniling sa gobyerno ng Timor Leste na madaliin ang proseso para mapauwi na ng Pilipinas ang dating mambabatas.
Sa kabila nito, iginigiit ng kampo ni Teves sa pangunguna ni Atty. Ferdinand Topacio na inosente ang kanilang kliyente laban sa mga akusasyong ito.