KORONADAL CITY – Positibo ang reaksiyon at ikinagalak ng kampo ni dating 2nd district congressman at ngayon South Cotabato Vice Governor Arthur “Dodo” Pingoy Jr. ang pag-abswelto sa kanya ng Sandiganbayan sa mga kasong kinakaharap kaugnay sa pork barrel scam.
Ngunit, tumanggi muna na magbigay ng pahayag ang abogado nito at ang kanyang tanggapan dahil ang bise gobernadora umano ang magbibigay ng pahayag dahil nasa Metro Manila ito at personal na dumalo sa hearing.
Matatandaan na nadawit ang pangalan ni Pingoy nang idinawit ng negosyanteng si Janet Lim Napoles kung saan ito lamang ang hinatulan na makulong ng 64 taon matapos hatulan na guilty sa “four counts of graft and malversation of public funds”.
Ang kaso ay may kaugnayan sa illegal disbursement ng nasa P20 million na pundo mula sa Priority Development Assistance Fund (PDAF) o pork barrel ni Pingoy noong kongresista pa ito.
Sa 57-pahina na desisyon na inilabas ng Special Second Division, nakakuha ng 3-2 na boto na masentensiyahan si Napoles ng 40 taon para sa malversation of public funds conviction at 24 na taon naman para sa conviction sa four counts of graft.
Ang anti-graft court ang nagpahayag na walang matibay na ebedensiyia na si Pingoy ang sangkot sa scheme kaya’t idineklarang not guilty ito.
Sa nasabing kaso, si Napoles ang hinatulan kasama si dating state-run National Agribusiness Corporation (NABCOR) officials Rhodora Mendoza, Victor Cacal at Maria Ninez Guañizo.
Kung matatandaan, naging mainit na usapin ito sa lalawigan ng South Cotabato dahil sa pagkakasangkot ng pangalan ng dating kongresista na makailang beses din nitong itinanggi.