Binatikos ng legal counsel ni dating Negros Oriental 3rd District Representative Arnolfo Teves Jr ang Department of Justice dahil sa pagbubunyag nito sa umano’y panunuhol ng anak ng dating mambabatas sa ilang otoridad sa Timor Leste para matiyak ang seguridad ng kanyang ama.
Ayon kay Atty. Ferdinand Topacio hindi dapat ginagamit ng DOJ partikular na ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla ang mga News Reports na basehan ng kanilang alegasyon.
Aniya, nagpapakalat si Remulla ng walang kabuluhang impormasyon dahil ang value ng isang news report ay hearsay lamang at wala ito evidentiary value.
Kung maaalala naaresto si Teves sa Timor Leste kamakailan matapos na maglabas ng Red Notice ang INTERPOL laban sa dating mambabatas.
Nahaharap si Teves sa patong-patong na kaso sa bansa dahil sa umano’y pagiging utak nito sa pagpatay kay dating Negros Oriental Governor Roel Degamo at siyam na iba pa.
Kabilang na rito ang mga kasong murder, frustrated murder at attempted murder.
Patuloy naman ang pakikipagtulungan ng gobyerno ng Pilipinas sa Timor Leste para mapabilis ang repatriation kay Teves pabalik ng Pilipinas.
Tiniyak rin ng DOJ na mabibigyan ng hustisya ang pagkamatay ni Degamo.
Samantala, maliban sa red notice na inilabas laban kay Teves, ito ay na tag na rin ng Anti Terrorism Council bilang terorista.
Pinatalsik na rin si Teves bilang mambabatas dahil sa pagpapakita umano nito ng hindi magandang pag-uugali at madalas na pagliban sa House of Representative.
Kung maaalala, sinubukan rin nitong mag apply ng special political asylum sa Timor ngunit hindi ito pinagbigyan.
Napabalita rin ang naging aplikasyon nito para sa Cambodian Citizenship.
Noong nakaraang linggo , naispatan rin ang kanyang mga kaanak na lumabas na ng Timor Leste patungong Cambodia.
Ayon naman kay Mayor Janice Degamo, ang pagkaka aresto kay Teves ay magandang Development sa kaso ng pagpatay sa kanyang asawa .
Umaasa rin ito na sa lalong madaling panahon ay maibabalik na ng Pilipinas si Teves para harapin ang kanyang mga kaso.