Inakusahan ni House Majority Leader Manuel Jose “Mannix” Dalipe ang mga kaalyado ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na ginagamit na sandata ang Office of the Ombudsman (OMB) upang gantihan ang mga miyembro ng Kamara de Representantes na bumoto pabor sa impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
Ginawa ni Dalipe ang pahayag kasunod ng paghiling ng grupo ni Davao del Norte Rep. Pantaleon Alvarez sa Ombudsman na suspendihin ang mga pinuno ng Kamara na kanyang inakusahan ng pamemeke ng mga pampublikong dokumento kaugnay ng isyu ng budget insertions/blanks sa Office of the Ombudsman (OMB).
Ayon kay Dalipe, ang panawagan ni Alvarez para sa suspensyon ay isang desperadong pagtatangka na gawing sandata ang Ombudsman para sa paghihiganting pampulitika dahil nananatiling matatag ang Kamara sa pagtataguyod ng transparency at accountability, anuman ang political affiliations.
Gayunpaman, ipinahayag niya ang kanyang kumpiyansa na hindi magpapagamit ang Ombudsman sa mga kaalyado ni Duterte.
Tinawag din niya ang reklamo at panawagan para sa suspensyon mula kay Alvarez bilang isang taktika upang ilihis ang atensyon sa impeachment ni VP Duterte.
Kinuwestiyon din ni Dalipe ang timing ng mga aksyon nina Alvarez at ng mga kaalyado ni Duterte.
Sinabi rin ni Dalipe na ang panukalang suspensyon ay isang hakbang upang gambalain ang gawain ng Kamara.
Ipinagtanggol din ni Dalipe ang proseso ng pagpapatibay sa 2025 national budget.