-- Advertisements --

Muling naghain ng petisyon ang kampo ni dating Negros Oriental 3rd District Rep. Arnolfo Teves Jr. sa gobyerno ng Timor Leste na humihiling na baliktarin ang naunang desisyon nito na pabalikin ang dating mambabatas sa Pilipinas.

Ayon sa kampo ni Teves, inihain nila ito noong Biyernes na nakalipas na linggo.

Sa ngayon ay umaasa pa rin sila na papaburan ng Timor Leste ang kanilang petisyon.

Kung maaalala, pinaburan ng korte sa Timor Leste ang kahilingan ng gobyerno ng Pilipinas partikular ng Justice Department na iuwi si Teves sa bansa.

Si Teves ang itinuturong utak sa pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo at siyam na iba pang sibilyan na nadamay sa madugong pamamaril.

Sa kabila nito ay patuloy na itinatanggi ng mambabatas ang pagkakasangkot nito sa pagpaslang kay Degamo.

Wala pang komento ang Department of Justice sa panibagong petisyon na inihain ng kampo ni Teves sa East Timor.

Una nang sinabi ng ahensya na maaaring sa huling linggo ng Hulyo ay maiuuwi na ng bansa si Teves para harapin ang patong-patong na kasong pagpatay na inihain laban sa kanya.

Umaasa naman ang pamilya ni Degamo na magkakaroon ng ng hustisya ang pagkamatay ng gobernador.