Pinag-aaralan ng kampo ni dating Senator Leila De Lima ang gagawing legal action para panagutin ang mga nasa likod ng pagpapakulong sa kaniya kaugnay sa illegal drugs charges.
Ito ay kasunod na rin ng pag-abswelto sa dating Senadora sa huling drug case na inihain ng prosekusyon sa nakalipas na administrasyon sa ilalim ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sinabi ni De Lima na tinitignan ng kanyang abogado ang pananagutan ni dating Pang. Duterte, dating Justice Secretary Vitaliano Aguirre, at iba pang mga tao na nasa likod ng kanyang pitong taong pagkakakulong.
Inihayag din ni De Lima na napakaginhawa ng kaniyang pakiramdam at nakakahinga na ngayon ng maluwag matapos ibasura ng Muntinlupa RTC ang kaniyang ikatlo at huling drug case.
Matatandaan na nakalaya ang dating senadora noong Nobyembre 2023 matapos payagang makapaglagak ng piyansa makaraang makulong sa Camp Crame mula noong Pebrero 2017.
Unang napawalang-sala si de lima noong Pebrero 2021 nang ibasura ng Muntinlupa City RTC-Branch 205 ang isa sa kanyang tatlong kaso.
Noong Mayo 2023, pinawalang-sala din ng Muntinlupa RTC Branch 204 sina De Lima at Ronnie Dayan, ang kanyang kapwa akusado at dati nitong bodyguard, sa kasong illegal drug trading.
Samantala, sinabi din ni De Lima na wala pa siyang plano sa ngayon na tumakbo para sa 2025 midterm elections subalit tuloy aniya ang laban kontra sa injustices at sa oppression.
Sa kasalukuyan, bukod sa pagiging tagapagsalita ng Liberal Party (LP), nagtuturo si De Lima at planong bumalik sa legal practice.