VIGAN CITY – Muling hiniling ng kampo ni dating Sen. Bongbong Marcos na respetuhin ng kampo at mg tagasuporta ni Vice President Leni Robredo ang desisyon ng Korte Suprema na umuupong Presidential Electoral Tribunal.
Ito ay matapos na muling ipagpaliban ng PET ang pagdesisyon sa poll protest na naisampa hinggil sa pinaniniwalaang dayaang naganap noong 2016 vice presidential elections.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ng tagapagsalita ni Marcos na si Atty. Vic Rodriguez na itigil na umano ng kampo nina Robredo ang pagpapalabas ng kung anu-anong haka-haka at maling impormasyon hinggil sa nasabing isyu.
Maliban pa dito, nais din ng kampo ng dating senador na itigil na ng kabilang kampo ang pagpapalabas ng iba’t ibang propaganda na nagpapakita ng lantarang pambu-bully at pangha-harass sa mga mahistrado ng korte upang pumanig sa kanila ang maipalabas na desisyon.
Muli pa nitong iginiit na ang nasabing election protest ay hindi lamang laban ng dating opisyal kundi laban din umano ito ng lahat ng sambayanang Pilipino na nanininiwala sa katotohanan.