Nabigo ang kampo ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte at Sen. Ronald Bato Dela Rosa matapos na hindi pagbigyan ng Korte Suprema ang kanilang inihaing Petition for Certiorari and Prohibition.
Ito ay para sana sa agarang pagpapalabas ng Temporary Restraining Order at Writ of Preliminary Prohibition and Mandatory Injunction para mapigilan ang pagpapadala kay Duterte sa The Netherland.
Matapos ang naging deliberasyon sa 94 na pahinang petisyon, sinabi ng Korte Suprema na nabigo ang mga petitioner na makabuo ng malinaw na dahilan para sa agarang pagpapalabas ng TRO.
Kaugnay nito ay binigyan ng Korte Suprema ng 10 araw ang mga respondents sa petisyon na magbigay ng kanilang komento.
Kinumpirma rin SC na natanggap na nila ang kopya ng inihaing dalawang magkahiwalay na petition for writ of habeas corpus sa dating pangulo.
Ito ay inihain ng anak nito na sina Davao City Mayor Sebastian Duterte at Veronica A. Duterte.