Ikinatuwiran ng tatlong anak ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na ang kanilang inihaing petisyon para sa pagpapalaya sa dating Pangulo ay hindi maituturing na ‘moot’ o wala ng saysay kahit na nasa kustodiya na siya ng International Criminal Court (ICC).
Ito ng iginiit nina Veronica “Kitty” Duterte, Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte, at Davao City Representative Paolo “Pulong” Duterte sa kanilang tugon sa komento ng panig ng gobyerno na inihain sa Korte Suprema.
Kapwa nanindigan sina Veronica at Sebastian Duterte na hindi moot and academic ang naturang petisyon taliwas sa naging komento ng gobyerno kung saan hiniling nito sa Kataas-taasang hukuman na ibasura ang kanilang consolidated petition dahil sa pagiging moot nito at kawalan umano ng merito.
Sa 34 na pahinang traverse comment na inihain ng abogado ni Kitty Duterte na si Atty. Salvador Panelo, iginiit ng petitioner na hindi dapat hayaang makatakas ang mga respondent mula sa extraordinary writ of habeas corpus sa pamamagitan lamang ng pagsasabing wala na sa kanilang kustodiya ang dating Pangulo. Kapag hahayaan aniya ito, tila gantimpala ito sa mga respondent para sa kanilang mga aksiyon na iligal at labag sa batas at hayagang pagtatangkang takasan ang pag-uusig ng hukuman.
Iginiit din ni Kitty Duterte na dahil nabigo ang ICC sa napapanahong pagpapairal ng kanilang hurisdiksyon, wala itong legal na awtoridad na ipagpatuloy ang pagsisiyasat sa sitwasyon ng Pilipinas, lalo na ang pag-isyu ng warrant of arrest na ipinatupad ng mga respondent laban kay dating Pangulong Duterte.
Kaugnay nito, ang anumang pagpigil umano sa kalayaan ng dating Pangulo na ipinatupad ng mga respondent sa bisa ng naturang warrant mula sa ICC ay labag sa batas.
Binanggit din nito ang recusal ng Office of the Solicitor General (OSG) na malinaw aniyang indikasyon na iligal at hindi maidedepensa ang ginawang pagkidnap at paglipat sa kanilang ama sa The Hague, Netherlands sa bisa ng warrant mula sa ICC.
Ikinatuwiran naman ni Baste Duterte na ang magiging desisyon ng Korte Suprema ay muling magpapatibay sa karapatan ng bansa na gamitin ang hurisdiksyon nito sa sarili nitong mamamayan, maging sila man ay nasa ibang bansa.
Sa pamamagitan din aniya ng pagtugon ng Korte sa petisyon, mabibigyang diin dito na ang anumang pagtatangkang ikulong o isuko ang isang mamayang Pilipino ay dapat na sumunod sa batas ng Pilipinas at legal na proseso.