Magsusumite ng petisyon for review sa Department of Justice ang kampo ni Iloilo City Lone District Rep. Julienne Baronda kaugnay sa kasong isinampa nito laban sa kanyang mahigpit na kritiko na si Iloilo City Councilor Plaridel Nava.
Ito ay matapos na ibinasura ng korte ang 53 sa 64 na counts ng cyberlibel na isinampa ng kongresista laban sa konsehal at 12 counts lang ang na-elevate sa korte.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Atty. Jeric Jucaban, legal counsel ni Cong. Baronda, sinabi nito na maliban sa cyberlibel complaints, ipepetisyon din ang 15 counts ng grave threats na binasura ng investigating prosecutor dahil sa kakulangan ng ebidensya.
Kaugnay naman sa naging reaksyon ni Nava na sinadya ni Baronda na sa Quezon City Regional Trial Court (RTC) Branch 90 isinampa ang kaso upang pahirapan ang konsehal, sinabi ni Jucaban na wala itong bahid pulitika sapagkat si Baronda ay nakatira ngayon sa Quezon City kung kaya’t doon ito sinampa.
Nilinaw naman ng kampo ni Baronda na bagamat binasura ng korte ang karamihan sa cyberlibel charges, tinuturing pa rin nila na positive development ang pagkaka-elevate ng 12 count ng libel.
Napag-alaman na kasunod ng pag-isyu ng warrant of arrest, kaagad na nakapagpiyansa si Nava ng P576,000.
Nag-ugat ang reklamo laban kay Nava sa serye ng diumano’y malisyosong Facebook posts laban kay Baronda noong 2019 hanggang 2020 kung saan tinawag nito ang kongresista na bobo at madalas na nagpapalit ng boyfriend.