-- Advertisements --

Naglabas na ng pahayag ang kampo ng actress at negosyanteng si Neri Naig-Miranda matapos na ito ay makalaya sa pagkakakulong.

Sinabi ng kaniyang legal counsel na si Atty. Aureli Sinsuat, na ikinalugod nila ang pasya ng korte dahil sa pagbibigay ng due process sa constitutional rights ng kaniyang kliyente.

Dahil dito ay may pagkakataon ang kaniyang kliyente na masagot ang mga alegasyon laban sa kaniya.

Isa sa mga nakitang technicality ng kampo ng actress ay ng mag-isyu ng subpoena ang prosecutors’ office pero ito ay nai-deliver sa maling address.

Subalit tinanggihan naman ng korte ang mosyon ng actress na humihiling na ituluyang ibasura ang kaso.

Magugunitang noong Nobyembre 23 ay inaresto ang actress habang ito ay nasa lungsod ng Pasay.

Nahaharap umano ito sa 14 counts ng paglabag sa Securities Regulation Code na mayroong piyansang P126,000 kada kaso o katumbas ng halos P2 milyon habang kaso nitong estafa ay wala pang inilaan na piyansa nito.