Kinuwestiyon ng kampo ni Kingdom of Jesus Christ leader Pastor Apollo Quiboloy ang legal na basehan ng freeze order ng Court of Appeals sa mga bank account at assets ng religious leader.
Ayon sa isa sa abogado ng KOJC na si Atty. Israelito Torreon, dapat na pag-aralan ng Department of Justice ang order ng appellate court.
Aniya, una ng sinabi ng tagapagsalita ng DOJ na si ASec. Mico Clavano na ang naging basehan sa naturang order ay ang mga kaso ng pastor sa Amerika. Subalit iginiit nito na mayroon namang territoriality principle ang bansa pagdating sa mga krimen at ang mga nagawa umano sa US bilang general rule ay dapat na litisin doon.
Nais din ng kampo ni Pastor Quiboloy na malaman ang mga ebidensiya na nakasaad sa petisyon na nagpapatunay na gumamit ang pastor ng frozen bank accounts sa umano’y ilegal na mga aktibidad.
Sinabi din nito na ang pera at mga ari-arian ng KOJC ay nagmula sa kanilang mga miyembro.
Naniniwala din ang kampo ng pastor na ang arrest order kay Quiboloy ay politically motivated lalo na’t malapit aniya ito sa pamilya ng mga Duterte.
Sa ngayon, inaantay pa ng kampo ni Pastor Quiboloy ang opisyal na kopiya ng freeze order.
Matatandaan na ipinag-utos din ng CA ang pag-freeze sa mga bank account ng KOJC at ng Swara Sug Media Corporation na nago-operate sa Sonshine Media Network International (SMNI) na media arm ng KOJC. Magtatagal ang freeze order sa loob ng 20 araw.