Maghahain ang kampo ni Pastor Apollo Quiboloy ng motion to quash sa Davao Regional Trial Court para ipawalang bisa ang warrant of arrest laban sa kaniya.
Una na kasing inisyuhan ng Davao city RTC Branch 12 ng warrant of arrest si Quiboloy noong nakalipas na linggo para sa mga kasong child abuse at sexual abuse.
Katwiran ng abogado ni Pastor Quiboloy na si Atty. Israelito Torreon na nilabag ng Department of Justice ang karapatan ng kaniyang kliyente para sa mabilis na paglutas ng mga kaso kung saan pinayagan aniyang lumipas ang mahigit 4 na taon para mabigyan ng pagkakataon ang complainant na mapatunayan ang kaso laban sa Pastor.
Kumpiyansa naman si Atty. Torreon na kakatigan ng korte ang kanilang mosyon.
Samantala, ipinaliwanag din ni Atty. Torreon na hindi ganap na tinututulan ng pastor ang extradition process kundi ang posibilidad ng extraordinary rendition na isang iligal na paglilipat at pagkulong na ginagawa ng US sa isang suspected terrorist sa ibang bansa na posible aniyang may kasamang torture.
Sinabi ito ng abogado ng Pastor kasunod ng una ng inilabas na audio statement ni Quiboloy kung saan isa sa kaniyang inilatag na mga kondisyon sakaling susuko siya ay magkaroon ng proteksiyon mula sa extradition dahil mayroon din itong nakabinbing kaso sa US.
Tinutulan din ni Toreon ang pag-tag sa kaniyang kliyente bilang isang pugante ng NBI dahil nananatiling kwestyonable pa aniya sa ngayon ang mga kaso laban sa Pastor.
Nanindigan din ito na kasalukuyang nasa loob ng Pilipinas ang kaniyang kliyente.