DAVAO CITY – Inihayag ng kampo ni Kingdom of Jesus Christ pastor Apollo Quiboloy na handa niyang harapin ang kasong isinampan laban sa kanya.
Sa isinagawang press conference, sinabi ng isa sa mga abogado ni Quiboloy na si Atty. Dyna Marie Tolentino na walang mali sa pahayag ng pastor dahil nagtanong lamang ito sa sinasabing P3 bilyong halaga ng sports complex na itinayo sa Sarangani province.
Karapatan rin umano hindi lamang ni Pastor Quiboloy kung hindi ng mga tao sa bansa na magtanong sa mga proyekto na ginawa ng mga opisyal ng gobyerno at wala silang nakikita na mali dito.
Sa kasalukuyan, hindi pa umano natanggap ni Pastor Quiboloy ang complaint affidavit mula sa kampo ni Sen. Pacquiao ngunit handa rin umano silang magsumite ng counter affidavit dito.
Dagdag pa ni Atty. Tolentino na isa umanong political move ang ginagawa ng senador lalo na at nalalapit na umano ang eleksiyon sa susunod na taon.
Gagawin umano nila ang lahat para madepensahan si Pastor Quiboloy at hindi hahayaan ang senador na dungisan ang pangalan nito.