DAVAO CITY – Mariing pinabulaanan ng kampo ni Pastor Apollo Quiboly ang umano’y kasong rape na inihain laban sa kanya ng limang mga dating miyembro ng Kingdom of Jesus Christ.
Inihayag ni Atty. Israelito Torreon, ang abogado ni Pastor Quiboloy, isa lamang umano itong malaking “conspiracy” ng mga taong nagnanais na siraan ang pastor.
Umapela rin si Atty. Toreon na huwag kaagad hatulan si pastor at hintayin muna umano ang kanilang depensa dahil ipapakita nila ang lahat ng mga dokumento na magpapatunay na walang katotohanan ang mga lumabas na balita.
Batay sa lumabas na balita pormal nang sinampahan ng mga kasong rape, human trafficking at child abuse si Quiboloy sa National Prosecution Service Office ng City Prosecutor sa lungsod ng Davao ng mga biktima na sina Blenda Sanchez Portugal, 22, ng Tagum City at mga kasamahan nito na sina Jackielyn Roy, Cresente Canada, Pauline Canada, Ingrid Canada at Sylvia Cemañes.