Emosyonal na ibinahagi ng legal counsel ni US Marine Lance Corporal Joseph Scott Pemberton na si Atty. Rowena Garcia-Flores ang reaksyon nito sa paggawad ni Pangulong Rodrigo Duterte ng absolute pardon sa nabanggit na convicted criminal.
Sa panayam ng Bombo Radyo Philippines kay Atty. Garcia-Flores, mangiyak ngiyak nitong ikinuwento kung paano niya nakita ang unti-unting pagbabago ni Pemberton sa loob ng halos anim na taong pagkakakulong nito sa Camp Aguinaldo.
“Alam niyo sa inyo ko lang unang nalaman na mayroong ganyang tweet si Secretary Locsin at hindi ko pa nache-check ‘yung Twitter account ko,” pagbabahagi ng abogado.
“Kung totoo man o sana nga ay totoo ang balita, tuwang tuwa ako kasi nakilala ko ng personal si Pemberton at tinuring ko siya na para ko na ring anak. Mabait siyang tao, alam ko na maraming nagsasabi na dahil nakapatay siya ay salbahe na siya pero I know him personally and lahat tayo nagkakamali. Nagkamali siya at nagbayad na siya sa kaniyang kasalanan,” dagdag pa ni Atty. Garcia-Flores.
Magugunita na si Pemberton ay sinentensyahan ng 6 hanggang 10 taong pagkakakulong matapos nitong aminin na kaniyang pinatay ang Filipina transgender woman na si Jennifer Laude noong 2014.
Umalingawngaw muli ang isyu tungkol sa Laude slay case matapos ang kontrobersyal na pag-apply ng good conduct time allowance (GCTA) rule kay Pemberton na kaagad umani ng iba’t ibang reaksyon mula sa publiko.