Pinagpapaliwanag ng Pasig Regional Trial Court Branch 159 ang kampo ng nakakulong na si KOJC founder Pastor Apollo Quiboloy kaugnay sa recorded message nito na pinalabas sa unang araw ng proclamation rally ng Partido Demokratiko Pilipino (PDP) sa Ynares Sports Arena sa Pasig City noong Pebrero 9.
Sa 2 pahinang kautusan ng korte na may petsang Pebrero 12, sinabi nito na ang naturang video ay ipinalabas bago pa man mabigyan ng pagkakataon ang korte na rebyuhin at aprubahan ito.
Ayon pa sa korte, ipinost din ang video noong Pebrero 10 sa Facebook nang walang approval na isang malinaw na paglabag ng guidelines at parameters na itinakda ng korte.
Binigyan ng korte ang kampo ni Quiboloy ng 5 araw para makapagpaliwanag sa naturang usapin.
Nauna naman ng ipinaliwanag ng abogado ni Quiboloy na si Atty. Israelito Torreon sa isang press briefing nitong Martes na pinayagan ang kaniyang kliyente na maipalabas ang kaniyang recorded message para sa kaniyang senatorial campaign sa kasagsagan ng proclamation rally sa gitna ng mga akusasyon ng VIP treatment kay Quiboloy.
Sa kasalukuyan, humaharap si Quiboloy sa non-bailable qualified human trafficking charge sa Pasig court at humaharap sa child abuse at sexual abuse cases sa Quezon City Regional Trial Court.