Muling ipinaalala ng kampo ni Kingdom of Jesus Christ leader Apollo Quiboloy ang ilang kondisyon para sa kaniyang pagsuko.
Ayon kay Atty. Israelito Torreon, ang abogado ni Quiboloy, na dapat ay magkaroon ng written declaration si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Nakasaad dito na hindi niya ipapasakamay si Quiboloy sa US kung saan nahaharap din ito ng mga kaso.
Dagdag pa ni Torreon na ito lamang ang kanilang hinihintay nila bilang katiyakan at sa seguridad na rin ni Quiboloy.
Giit pa ng abogado na ang nasabing hakbang ay napapaloob sa kung ano ang isinasaad ng batas.
Mula pa noon ay ito na lagi ang hiling nila kay Pangulong Marcos.
Magugunitang bukod sa Pilipinas ay nahaharap din sa kaso si Quiboloy sa US na ito ay kinabibilangan ng fraud, and coercion; sex trafficking of children; marriage fraud; fraud and misuse of visas; bulk cash smuggling; promotional money laundering; concealment money laundering; at international promotional money laundering.
Una ng tiniyak din ni Marcos na magiging patas ang anumang gagawing pagdinig sa kaso ni Quiboloy at ang pagbibigay ng kondisyon sa pagsuko ay tila aso na nabahag ang buntot.
Mula pa kasi noong Abril ay hindi na nakita si Quiboloy matapos mailabas ang arrest warrants niya mula sa korte ng Pasig at Davao.