Sa kabila ng mga naglulutangang bagong biktima umano ni KOJC leader Pastor Apollo Quiboloy , kumpyansa pa rin ang kampo ng pastor na ibabasura ng korte ang kasong child and sexual abuse na inihain laban sa kanilang kliyente.
Ang naturang kaso ay inihain sa Quezon City Regional Trial Court Branch 106.
Ginawa ng abogado ni Quiboloy na si Atty. Israelito Torreon ang pahayag nang dumalo ito sa pagdinig ng kaso noong Miyerkules.
Naniniwala ito na ibabasura ng korte ang kaso katulad ng kasong kinaharap ni Quiboloy noong 2020 sa Davao Prosecutor’s Office kung saan ibinasura ito.
Maliban sa kasong child and sexual abuse, nahaharap rin si Quiboloy sa kasong qualified human trafficking sa Pasig City RTC kung saan walang inererekomendang pyansa para sa pansamantalang kalayaan.
Umaapela rin ang kampo ng kontrobersyal na pastor ng isang house o hospital arrest dahil sa edad ng pastor.