Nilinaw ng kampo ni Vice President Leni Robredo na hindi ito magtatrabaho sa isang ahensya ng gobyerno.
Ginawa ng kanyang tagapagsalita at abogado na si Ibarra Gutierrez ang paglilinaw kasunod ng tanong kung isasaalang-alang ni Robredo ang pagsali sa gobyerno sa ilalim ng administrasyon ni Bongbong Marcos.
Aniya, nakapokus ang outgoing vice president na magkakaroon ng maayos na transition at pagsasara ng lahat na programa ng OVP sa ilalim ng kaniyang pamamahala.
Tututukan din nito ang pagiging private citizen na kikilos bilang isang civil society non-government organization na sisikaping ipagpatuloy ang serbisyo para sa mga kababayan.
Plano ni Robredo na maglunsad ng isang non government organization na tinawag na Angat Buhay sa Hulyo 1 o isang araw pagkatapos niyang bumaba bilang bise presidente.
Ang Angat Buhay ay isang anti-poverty program ng Office of the Vice President sa ilalim ni Robredo na pinagsasama ang mga resources ng pribadong sektor sa opisina ni Robredo para magbigay ng tulong sa mga nangangailangan.