Aapela ang kampo ni Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo na tanggalin ang suspensiyon laban sa alkalde.
Ayon sa abogado ni Mayor Guo na si Atty. Stephen David, sa katunayan ay wala umanong ebidensiya sa reklamong ibinabato sa kaniyang kliyente.
Matatandaan na una ng sinuspendi ng Office of the Ombudsman noong Lunes sina Guo at 2 pang opisyal ng Bamban ng hanggang 6 na buwan habang nakabinbin ang mga resulta ng imbestigasyon sa reklamong inihain ng Department of the Interior and Local Government kaugnay sa umano’y ilegal na mga aktibidad sa Philippine Offshore Gaming Operator complex sa bayan ng Bamban na iniuugnay sa alkalde.
Ayon kay Ombudsman Samuel Martires, ipinag-utos niya ang suspensiyon sa alkalde kasama ang business permit at licensing officer para maiwasang maimpluwensiyahan ang isinasagawang imbestigasyon.
Sinabi din ng Ombudsman na malakas ang ebidensiya laban kay Guo at nasa alkalde na para patunayang inosente siya.
Inihayag din ng Ombudsman na maaaring matanggal bilang alklade si Guo kapag mapatunayang guilty ito.
Samantala, sa panig ng alkalde una na niyang sinabi na makikipag-tulungan siya sa mga awtoridad.
Sumasang-ayon din aniya siya sa proseso ng batas at tinatanggap niya ang pasya ng Ombudsman gayunpaman ilalaban pa rin niya ang kaniyang kaso.
Pinasalamatan din niya ang kaniyang mga supporter at sinabing binigyan siya ng lakas para harapin ang mga reklamong inihain laban sa kaniya.
Iginiit din ng Bamban mayor na wala siyang kasalanan at tapat siyang nagsilbi sa bayan at mamamayan.