-- Advertisements --
teves

Hihilingin ng kampo ni Negros Oriental Rep. Arnie Teves Jr. sa House Ethics and Privileges Committee na payagan siyang humarap sa pamamagitan ng videoconference sa isang pagdinig pagkatapos ng kanyang suspensyon ngayong araw ng Lunes.

Ito ang inihayag ng abogado ni Teves na si Atty. Ferdinand Topacio alinsunod sa House rules and constitutional provisions on due process.

Nakatakdang magpulong ang nasabing komite sa araw ng Martes dakong alas-10 ng umaga upang talakayin ang mga posibleng parusang ipapataw kay Cong. Teves dahil sa kanyang pagkabigo na makabalik sa trabaho pagkatapos ng kanyang personal na pagbiyahe patungong sa Estados Unidos.

Sinabi naman ni Nueva Ecija Rep. Ria Vergara, vice chairperson ng panel, na ang pagpupulong sa Martes ay magiging mahigpit na harapan.

Kauat kung naisin umano ni Cong. Arnie Teves na dumalo sa harap-harapang pagpupulong na ito, malugod siyang tinatanggap.

Sinabi ni COOP NATCCO party-list Rep. Felimon Espares, chairman ng Ethics Committee, na ang rekomendasyon kay Teves ay isusumite sa plenaryo bago mag-adjourn ang sesyon ng Kamara sa Hunyo 2.

Maalalang sinuspinde ng Kamara si Teves ng 60 araw simula noon pang buwan ng Marso dahil sa pagtanggi nitong bumalik sa bansa matapos ang kanyang travel clearance dahil umano sa banta sa kaniyang buhay.

Humingi si Teves ng pahintulot kay House Speaker Martin Romualdez na bumiyahe patungo sa US para sa medical reason noong Pebrero 28 ng kasalukuyang taon.