Hinamon ngayon ng kampo ni dating Negros Oriental Representative Arnolfo Teves Jr. si Department of Justice Jesus Crispin Remulla na patunayan at tukuyin ang umano’y mga warlords na sinasabi nitong pumoprotekta sa dating kongresista.
Ito ang matapang na naging pahayag ng legal counsel ni Teves na si Atty. Ferdinand Topacio matapos na ibunyag ng kalihim na nasa Southeast Asia raw nagtatago si Teves at kasalukuyan pinoprotektahan ng mga warlords.
Tanong ni Topacio, ano at sinong mga warlords daw ang tinutukoy ni Remulla.
Samantala, una nang sinabi ni SOJ Remulla na kasalukuyan na nilang inihahanda ang liham na kanilang ipapaabot sa United Nations upang manawagan sa iba’t-ibang mga bansa na tulong para sa pagtugis kay Teves.
Matatandaan na kamakailan lang ay naglabas ng warrant of arrest ang korte laban kay Teves at tatlong iba pang mga indibidwal nang dahil sa pagkakasangkot sa madugong pamamaslang kay dating Negros Oriental Governor Roel Degamo.