Mariing pinabulaanan ng kampo ni dating 3rd District Representative Arnolfo Teves Jr. ang mga usapin hinggil sa umano’y deportation nito mula sa Timor Leste.
Ito ay matapos na ihayag ni Pamplona Mayor Janice Degamo na hindi naaprubahan ang hiniling na political asylum ni Teves sa Timor Leste at nakatakda na itong mapa-deport na sa loob ng dalawang araw.
Ayon sa Legal Counsel ni Teves na si Atty. Ferdinand Topacio, walang katotohanan ang mga bali-balitang ito sapagkat wala aniyang natatanggap na anumang uri ng impormasyon ang kanilang panig kaugnay sa kasalukuyang status ng asylum request ng dating mambabatas sa Timor Leste habang kasalukuyan nila itong inaapela muli.
Samantala, sa bukod na pahayag naman ay sinabi ni Department of Justice Spokesperson Mico Clavano na kasalukuyan pa rin nilang hinihintay ang magiging desisyon ng mga korte sa Timor-Leste ukol dito.
Kung maaalala, naaresto si Teves batay na rin sa inilabas na red notice ng International Police Commission laban sa kaniya.
Siya rin ang itinuturong utak sa likod ng madugong pamamaslang kay Negros Oriental Governor Roel Degamo at siyam na iba pa, gayundin sa pagkamatay ng ilan pang mga indibidwal sa naturang lalawigan noong taong 2019.