Iniulat ng kampo ni US Democratic Presidential bet Kamala Harris na nakalikom ito ng $540 million na pondo sa loob lamang ng isang buwan.
Ang mahigit kalahating bilyong dolyar na naipon ng kampo ni Harris ay siya nang panibagong record sa mga campaign history ng US.
Nagawa ito ng kampo ni Harris mula nang tuluyang umatras si Biden sa pagkapangulo at inendorso si Harris na hahalili sa kanya. Nangyari ito noong huling bahagi ng Hulyo at mula noon ay nakatanggap na ang kampo ni Harris ng sunod-sunod na donasyon.
Ayon pa sa kampo ni Harris, bago pa man ginanap ang katatapos na Democratic National Convention nitong nakalipas na linggo ay nakalikom na ang naturang kampo ng hanggang $500 million.
Agad itong nadagdagan matapos ang acceptance speech ni Harris sa huling araw ng convention.
Sa kampo naman ni Republican presidential bet Donald Trump, hawak umano ng mga ito ang hanggang $327 million na donasyon sa pagsisimula ng Agosto.