Inihirit ng kampo ni Vice President Sara Duterte sa Korte Suprema na dapat ibasura na ang inihaing petisyon laban sa paglipat nito ng P125 milyon na confidential funds sa tanggapan nito noong 2022.
Ito ang naging laman ng 19-pahinang komento kung saan giit ng kampo nito na wala namang aktuwal na kaso.
Wala rin aniyang kontrobersiya noong inilipat at ginamit ang pondo.
Noong Nobyembre 2023 ay nakasaad sa petisyon na dapat ibalik ang confidential funds ng Office of the Vice President sa treasury department.
Kinuwestiyon din ng mga petitioners ang paglipat ng pondo bilang confidential funds ng OVP mula sa contingency fund ng Office of the President.
Magugunitang ilan sa mga petitioners ay kinabibilangan nina Chairperson of the Commission on Filipinos Overseas (CFO) Imelda Nicolas, Atty. Ibarra Gutierrez III, Katrina Monsod, Ray Paolo Santiago, Honorio Poblador III, Vicente Romano III, Rex Drilon, Miguel Jugo, dating Commission on Elections (Comelec) chairperson Augusto Lagman, 1987 Constitution framer Christian Monsod at dating Department of Finance Undersecretary Maria Cielo Magno.
Mayroon ding inihain ang makabayan bloc ng House of Representatives na petisyon laban sa confidential funds ng OVP.
Ilang abogado rin ang naghain ng petisyon na kinabibilangan nina dating Justice Antonio Carpio, Atty. Howard Calleja, JP Calleja, at dating senator Richard Gordon.
Matatandaan na sinabi ng Commission on Audit na ginamit ng OVP ang P125 milyon na pondo sa loob lamang ng 11 araw noong Disyembre 2022.