Nanindigan ang kampo ni Vice President Sara Duterte na may karapatan itong gamitin ang lahat ng legal remedy laban sa inihaing impeachment complaint laban sa pangalawang pangulo.
Una nang hiniling ng kampo ng pangalawang pangulo sa Korte Suprema na maglabas ito ng isang temporary restraining order at writ of preliminary injunction para pigilan ang pag-usad ng impeachment trial laban sa kaniya.
Ayon kay Atty. Sheila Sison, ang lead legal counsel ng pangalawang pangulo, bahagi lamang ito ng mga legal remedy na maaaring gawin ni VP Sara, salig sa batas.
Katwiran ng batikang abogado, hindi ‘absolute’ ang kapangyarihan ng Kamara na mag-initiate ng lahat ng kaso ng impeachment.
Dapat aniyang nasusunod ang mga constitutional standard tulad ng paraan ng paghahain ng complaint, bilang ng mga botong kailangan para umusad ang reklamo, one-year constitutional ban, atbpa.
Binatikos din ni Atty. Sison ang mga kongresistang pumupuna sa naging aksyon ng kampo ng pangalawang pangulo nang hindi man lang binabasa at inaaral ang merito ng inihaing petisyon.
Samantala, hinimok ng kampo ng pangalawang pangulo ang Korte Suprema na tugunan na ang kanilang petisyon bago pa man simulan ng Senado ang trial.
Katwiran ni Sison, kwestiyonable ang umusad na impeachment complaint at may mga constitutional problem na nakapaloob dito.