NAGA CITY – Napuno ng iba’t ibang makukulay na ilaw at dekorasyon ang Plaza Quezon at ang kasentrohan ng lungsod ng Naga ito’y matapos pormal nang buksan ang Kamundagan Festival nitong hapon.
Inabangan ng mga tao ang pagpapailaw sa mga mapuputi at gintong ilaw na bumalot sa Chirstmas Village na matatagpuan mismo sa naturang plaza.
Agaw-atensyon ang iba’t ibang dekorasyon at mga kulay puting ilaw na nagpapakita umano ng pag-asa sa kabila ng naramdamang kalamidad sa Kabikolan matapos ang pananalasa ng Bagyong Tisoy.
Alas-4:00 ng hapon ng mag-umpisa ang street dance presentation at parada ng mga makukulay at naggagandahang parol na nilahukan ng 27 mga barangay sa lungsod.
Bumuhos naman ang maraming tao at bisita sa plaza na nais masaksihan ang eleganteng disensyo ng lugar.
Inaasahan ng lokal na pamahalaan ng Lungsod ng Naga na magdadala ng kasiyahan sa mga Nagueños ang iba pang aktibidad kaugnay ng naturang festival.
Ang Kamundagan Festival o ‘Kapanganakan’ sa salitang Filipino ay tatagal sa buong buwan ng Disyembre.