BACOLOD CITY – Malaking tulong umano para sa mga atleta ng bansa ang inilunsad ng Philippine Sports Commission (PSC) na bagong online program na pinamagatang “Kamustahan”.
Sa nasabing programa, kinakausap ng mga psychologist at performnace specialist ang mga atleta para mapangalagaan ang kanilang mental health, ma-promote at mapalakas ang kanilang athletic identities kahit wala sila sa kanilang actual sporting fields bunsod ng coronavirus pandemic.
Sa panayam ng Star FM Bacolod kina 2019 Southeast Asian (SEA) Games weightlifting bronze medalist Mary Flor Diaz, silver medalist Margaret Viray Colonia at gold medalist Kristel Macrohon, nakakapag-ensayo raw sila sa kanilang mga bahay ngunit hirap din dahil kulang ang ginagamit nila at kailangan sa weightlifting.
Dagdag pa ng tatlo na wala pang kasiguraduhan kung kailan ang laban nila sa Olympic qualifying games na naudlot dahil sa COVID-19 ngunit hindi pa rin sila titigil sa pagpapakondisyon at pagpapalakas.
Sa ngayon ay sinasanay pa rin nila ang pagiging disiplinado mula sa kanilang mga kinakain at araw-araw na routine exercises.