GENERAL SANTOS CITY – Patuloy pang iniimbestigahan ng Anti-Kidnapping Task Group ang sinasabing pagdukot sa isa sa mga pinagkakatiwalaan o kanang-kamay ni Reyna Apolinario na asawa ng founder ng Kabus Padatoon (KAPA) Ministry International.
Kinilala ang umano’y biktima na si Rogelio Casida, taga-Uhaw Fatima nitong lungsod, at napag-alaman na ama nina Saling Fernandez at Beverly Isparadera na mga pinagkakatiwalaan sa negosyo ni Reyna noong aktibo pa ang KAPA.
Ayon sa driver ng multicab na si Ronie Butis na galing ng palengke, sakay nito si Casida at pagdating sa highway ng Barangay Baluan ay pinahinto ito ng mga armadong nakasakay sa van at pinababa ang biktima.
Hindi rin aniya sumigaw si Casida ng tulong habang pinapasakay sa van.
Sa ngayon, wala pang statement na pinapalabas ang Task Group kung may humingi ng ransom kapalit ng kalayaan nito at inaalam din kung totoo ba ang insidente o isa itong “kidnap me.”