Nilinaw ng isang opisyal ng Commissions on Elections (Comelec) na hindi nila pinagbabawalan ang mga kandidato na naghain na ng kanilang certificates of candidacy (COC) na magsagawa ng early campaigning.
Ayon kay Comelec Commissioner Rowena Guanzon, wala naman kasing prohibition sa batas doon sa mga naghain na ng COC.
Nilinaw pa niya na ang mga magsasagawa ng early campaiging ay hindi pa masasabing kandidato na.
Binigyang diin pa ni Guanzon na ang mga naghain na ng COC ay maikokonsidera lamang na kandidato kung magsimula na ang campaign period.
Ang mga tumatakbo daw sa 2022 election ay masasakop lamang ng patakaran ng Comelec sa isyu ng pangangampanya kung nagsimula na rin ang campaign period.
Aniya, ang mga kandidato na inaakusahan daw ngayon na nagsasagawa ng premature campaigning ay matatawag lamang na nagbabahagi nang kanilang “freedom of expression.”
Ang campaign period para sa national positions ay itinakda sa February 8 hanggang May 7, 2022.
Samantala ang campaign period sa mga candidates sa local position ay sa pagitan naman ng March 25 hanggang May 7, 2022.