-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Nagtamo ng sugat sa mukha ang 2nd nominee ng LPGMA (LPG Marketers Association Inc.) Party-list bunsod ng kaguluhan na nag-ugat sa pagdalo ng isang opposition mayoralty candidate sa isinagawang political rally ng Partido Demokratiko Pilipino–Lakas ng Bayan sa Maconacon, Isabela.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Isabela Police Provincial Office, isinagawa ang political rally sa Municipal Gymnasium sa Barangay Fely ng nasabing coastal town ng Isabela.

Nagtungo sa lugar ang hindi naman inanyayahan na mayoralty candidate na si Abdulwali Villanueva, 45-anyos at may-asawa.

Nagkaroon umano ng komosyon matapos tanungin ng mga political leaders at supporters sa Maconacon kung bakit naroon si Villanueva.

Sa naganap na kaguluhan ay nagtamo ng sugat sa mukha at bibig si Atty. Allan Ty, 45-anyos at residente ng San Fermin, Cauayan City.

Dinala ng mga pulis sa himpilan ng pulisya ng Maconacon si Villanueva para sa ibayong imbestigasyon.