Pagpapaliwanagin ng Commission on Elections (COMELEC) Committee on Kontra-Bigay si senatorial aspirant Camille Villar dahil sa di umano’y pagkasangkot nito sa vote-buying na nangyari sa isang pagtitipon sa may Brgy Buhay na Tubig Imus, Cavite.
Base sa pinasang social media post ng isang anonymous complainant, makikita sa naturang pagtitipon ang tila raffle na namimigay ng pera na kasama si Villar sa entablado. Ayon kay Kontra-Bigay Committee Head Atty Teopisto Elnas Jr, ito ang iimbestigahan ng kanilang kumite kaya nila papadalhan din ng show-cause order ang kandidato upang pagpapaliwanagin na hindi dapat ito i-konsiderang vote-buying.
Nilinaw naman ni Elnas na kasalukuyan pa rin nila itong iniimbestigahan lalo na kung pasok ba ang naturang pagtitipon sa campaign period. Aniya, base kasi sa inilabas na resolusyon ng poll body na Resolution 11104 patungkol sa vote-buying, bagaman hindi mismo si Villar ang namimigay ngunit ang presensya niya ay nakikita sa pamimigay at pagtanggap ng pera, bahagi ito ng presumptions ng resolusyon ng komisyon at ang kandidato na lamang ang magdedepensa nito.
Bibigyan si Villar ng tatlong araw para magpaliwanag kung bakit hindi ito dapat ikonsiderang vote-buying na maaari ring maging dahilan ng kanyang pagka-diskwalipika ngayong National at Local Elections. Si Villar ang kauna-unahang national candidate na nahainan ng show-cause order na may kinalaman sa vote-buying ngayong midterms elections.
Samantala, base naman sa inilabas na statement ni Villar, agad naman itinanggi ng kandidato ang alegasyon sa kanya ng poll body patungkol sa umano’y vote buying na nangyari na kasama siya. Aniya, ang pagtitipon ay noong Pebrero 9 pa nangyari at hindi pa ito pasok sa campaign period. Dagdag pa niya na handa siyang tanggapin ang ang show-cause order na ihahain ng komisyon sa kanya.
Patuloy naman itong iimbestigahan ng poll body at susubukan nilang i-resolve ito agad bago ang halalan sa Mayo 12.