(Update) CAGAYAN DE ORO CITY – Nilalapatan pa ng lunas ang dalawang top political provincial candidates matapos na tinamaan ng bala mula sa suspected snipers habang nasa kasagsagan ng isang Chrismas party sa Tangub City, Misamis Occidental kagabi.
Kinilala ni Tangub City Police Station commander Maj Gerard Paul Duran, ang mga biktima na sina incumbent Lopez Jaena Mayor Michael Gutierrez na tumatakbo na bise-gobernador at dating Oroquieta City Mayor Jason Almonte na kumakandidato naman bilang kongresista sa unang distrito ng lalawigan.
Sinabi ni Duran na habang nasa kalagitnaan ng kasiyahan ang political lineup ni Misamis Occidental 2nd District Rep Henry Oaminal na tumatakbo ring gobernador ng probinsya ay bigla na lamang may tumamang hindi pa matukoy na uri ng bala sa lokasyon nila na naging dahilan para tamaan sa likurang bahagi ng leeg ni Gutierrez at Almonte.
Bagamat ligtas si Oaminal at ang kanyang anak na isa ring abogado subalit binigyan pa ng karagdagang medikasyon si Gutierrez at katunayan ay inilipat sa isa pang ospital ng Ozamiz City.
Sa ngayon, hindi pa nagbigay ang pulisya ng anumang anggulo kung bakit tina-target ang kampo ni Oaminal.
Si Oaminal ay haharapin sa pagka-gobernador si incumbent Misamis Occidental Gov Philip Tan na dati nitong kaalyado sa politika sa probinsya.
Magugunitang si Tan ay nasa panig ng Hugpong ng Pagbabago ni Davao City Mayor Inday Sara Duterte Carpio samantalang si Oaminal ay nakalinya naman sa PDP-Laban Cusi faction ni President Rodrigo Duterte.