NAGA CITY – Patay ang isang kandidato matapos atakihin sa puso sa gitna ng meeting de avance sa Old Moriones, Ocampo, Camarines Sur.
Kinilala ang biktima na si Efren Celino, tumatakbo bilang konsehal sa naturang bayan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Ferdinand Celino, anak ng naturang biktima, sinabi nito na natapos pa ng kanyang ama ang pagbibigay ng kanyang mga plataporma sa bayan ngunit nang bumaba na ito sa stage, bigla na lamang natumba at nawalan ng malay.
Agad namang isinugod sa ospital si Celino ngunit hindi na naisalba pa ang buhay.
Sa ngayon, ayon kay Ferdinand, bagama’t mag-uusap pa ang partido ni Celino, ngunit isa aniya siya sa kinokonsidera ng kanilang pamilya na pumalit sa naiwang tatakbuhang posisyon ng kanyang ama.
Una rito, nito lamang nakaraang linggo nang bawian din ng buhay si Punong Barangay Marcelo Bagadiong ng Barangay Tabuco, Naga City matapos magtano ng massive heatstoke kasabay rin ng pangangampanya ng sinusuportahang partido.