Itinanggi ng kumakandidatong kongresista sa ikatlong distrito ng Palawan na si Abraham Kahlil Mitra ang akusasyong namimigay siya ng libreng movie ticket sa sinehan sa Puerto Princesa City.
Ginawa ni Mitra ang paglilinaw kasunod ng nagsilabasang report na inisyuhaan siya ng show-cause order ng Committee on Kontra Bigay ng Commission on Elections (Comelec) para magpaliwanag kaugnay sa isang post sa kaniyang social media page noong Abril 2 hinggil sa libreng mga ticket para sa April 3 screening ng isang movie musical at isa pang post noong Abril 4 na nagpapakita ng kaniyang mga larawan kasama ang ibang moviegoers.
Binigyan ng komite si Mitra ng hindi lalagpas sa tatlong araw para tumugon sa show cause order pagkatanggap nito at ipaliwanag kung bakit hindi siya dapat patawan ng parusa para sa election offense at petisyon para sa diskwalipikasyon.
Nauna ng sinabi ng komite na namimigay umano si Mitra ng libreng mga ticket na maaaring paglabag sa Omnibus Election Code at Comelec Resolution laban sa vote-buying at vote-selling at possession ng campaign materials.
Ayon kay Mitra, hindi pa niya natatanggap ang kopiya ng Comelec order subalit nagpasya siyang linawin at ipaliwanag ang kaniyang post.
Aniya, isa lamang siya sa mga inimbitahang manood ng pelikula at matapos malamang may mahalagang aral ito para sa mga kabataan, ipinamahagi niya ang imbitasyon sa iba sa pamamagitan ng kaniyang socmed page para sa libreng viewing ng pelikula.
Nilinaw din niya na hindi niya ginamit ito bilang platform para sa kaniyang pangangampaniya at iginiit na batid niya ang kaniyang mga responsibilidad bilang isang kandidato at lahat ng kaniyang mga aksiyon ay alinsunod umano sa nakasaad sa batas.
Nakahanda naman ito na maghain ng kaniyang kasagutan sa oras na opisyal na niyang matanggap ang show cause letter at sumailalim sa legal na proseso.