Ipinanawagan ni Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) chair at senatorial aspirant Danilo Ramos na dapat kanselahin ang certificate of candidacy (COC) ni dating Pangulong Rodrigo Duterte bilang Davao City mayor dahil iniugnay siya sa drug war killings noong nakaupo pa itong Pangulo ng bansa.
Sa isang pahayag, sinabi ni Ramos na dapat managot si Duterte sa umano’y “high crimes against humanity”.
Hindi na rin umano palaisipan pa kung bakit papayagan si Duterte na tumakbo sa darating na halalan matapos mabunyag sa imbestigasyon sa House Quad Committee na sinimulan ng dating Pangulo ang madugong kampaniya laban sa ilegal na droga.
Hindi din umano katanggap-tanggap na tumakbo sa halalan ang isang taong sangkot sa mga seryosong kaso ng paglabag sa karapatang pantao.
Sinabi din ni Ramos na dapat mag-ingat ang publiko sa plano ni Duterte na umiwas sa kaniyang pananagutan at makabalik muli sa kapangyarihan.
Ginawa ni Ramos ang pahayag matapos ang mga rebelasyon sa pagdinig ng House Quad Committee noong Biyernes, Oktubre 11 kung saan isiniwalat ni retired police colonel Royina Garma na ipinag-utos umano ni dating Pangulong Ridrigo Duterte ang pagpapatupad sa buong bansa ng tinatawag na Davao model kung saan binibigyan ng rewards ang mga pulis na makakapatay sa mga drug suspect.