KORONADAL CITY – Hindi na kagaya dati na nagkakaroon ng mass gathering ang selebrasyon ng Eid Al Adha ng mga kapatid na Muslim sa Mindanao dahil sa kinakaharap na COVID-19 pandemic hindi lamang ng bansa kundi maging sa buong mundo.
Ito ang inihayag ni Sultan Mutalib Sambuto, provincial Muslim Affairs Chief ng South Cotabato sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Ayon kay Sambuto, maaga pa rin silang nagsamba sa mosque ang karamihan sa mga kapatid na Muslim ngunit limitado lamang at inoobserba ang minimum health standard protocols.
Kasabay ng selebrasyon ngayong araw ay nagsasagawa naman sila ng kanduli o pasasalamat sa araw na ito dahil sa kabila ng pandemic ay nananatiling buo ang kani-kanilang pamilya at may pagkakataon na magpasalamat kay Allah.
Kasabay din ng Eidl Adha ang panalangin nila na nawa’y matapos na ang pandemic at manatili ang kapayapaan hindi lamang sa Mindanao kundi maging sa buong bansa.