Wala pang natatanggap na anumang direktiba ang pamunuan ng Department of National Defense (DND) mula kay Pang. Rodrigo Duterte na kanselahin na ang P11.65 billion chopper contract para sa pagbili ng 16 na mga bagong helicopters sa bansang Canada.
Ayon sa Kalihim na wala siyang naririnig na kanselahin ang nasabing proyekto, dahil positibo ito na matutuloy ang proyekto at on time ang delivery ng mga ito.
Inanunsiyo ni Pang. Rodrigo Duterte na kaniyang ipapakansela ang chopper contract sa Canada kasunod sa ulat na rerebyuhin ng Canadian government ang kontrata matapos mabatid na gagamitin ang mga nasabing helicopter sa operasyon laban sa mga rebeldeng grupo.
Pinirmahan ng DND ang “deal for the purchase” ng mga helicopters nuong December 29, 2017.
Inihayag naman ni AFP Deputy Chief-of-Staff MGen. Restituto Padilla na ang Bell Helicopter at ang Canadian Commercial Corporation ay alam na gagamitin ng military ang bibilhing 16 na mga Bell 412 choppers sa ilalim ng kontrata ng “combat utility helicopter”.
Giit ni Padilla na ang 16 Bell helicopters ay gagamitin sa pag transport ng mga tropa lalo na sa mga combat casualties.
Una ng sinabi ni Lorenzana na marami pang supplier na pwedeng pagbilhan ng mga Bell helicopters hindi lamang ang Canada.
Hindi naman sinabi ng Kalihim kung sino ang iba pang ibang mga supplier na kaniyang tinutukoy.
Nais ng AFP ang Bell 412 helicopters dahil fully configured at equipped ng mga advance features kabilang ang electronic engine control at kayang magkarga ng 14 na pasahero.