Ibinulgar ng National Bureau of Investigation (NBI) na balak sanang magdeklara ng holiday ang KAPA o Kabus Padatuon Community Ministry International Inc., pero naunahan ito ng kanilang inilunsad na crackdown operations.
Ayon kay NBI Deputy Director for Regional Operation Service Antonio Pagatpat, kanilang natunugan na usap-usapan na sa mga miyembro ng KAPA lalo na sa kanilang social media accounts na ngayong linggo sana magpapatupad ng holiday si KAPA founder Pastor Joel Apolinario.
Kung nagkataon daw ayon sa NBI baka wala na silang inabutan na kahit anong mga ebidensiya sa mga tanggapan ng KAPA nitong nakalipas na Lunes nang isagawa ang search warrant operations kasama ang PNP at Securities and Exchange Commission (SEC).
Liban dito, kung sakali ay nakulimbat na raw papalabas ng Pilipinas para itago ang mga perang kinita ng KAPA.
Inamin din ni Atty. Pagatpat na ang orihinal sanang plano ng NBI ay sa Hunyo 20 pa isagawa ang simultaneous raid sa mga tanggapan ng KAPA sa iba’t ibang dako ng bansa pero napaaga ito dahil sa utos na mismo ng Pangulong Rodrigo Duterte.
Para sa NBI meron din daw hawak na intelligence information ang Pangulo na isang uri nga ng investment scam ang operasyon ng KAPA na nangangakong nagbibigay ng 30 porsyento na interest sa mga miyembro.
Una nang kinumpirma ng SEC na umaabot sa 24 na search warrant operations ang ipinatupad nila sa mga tanggapan ng KAPA sa Alabel, General Santos City, Tagum City, Quezon City, Taytay, Nueva Vizcaya, Tacloban City, Cebu City, Bukidnon at Misamis Oriental, pati na ang bahay ni Apolinario sa General Santos City at laban din sa iba pang mga uri ng investment scams.
Ayon pa kay Atty. Pagatpat wala silang naaresto sa mga opisina ng KAPA bunsod na hindi na nag-o-operate ang mga ito pero nakarekober naman sila ng mga “vital evidences” na magdidiin sa iligal na operasyon ni Pastor Apolinario.
Kabilang din sa nakumpika ng NBI ay nasa P2.2 million cash sa Taytay, Rizal at ang umaabot sa mahigit P300,000 na pera sa area ng Cagayan.
Kasama pa sa nakuha ng mga otoridad ay mga dokumento, records, mga kagamitan, laptop, cellphone at iba pa.
Ang mga ito ay isinasailalim na raw sa forensic examination kung pwedeng makatulong sa pagpapalakas pa sa mga inihahandang kaso.
Ibinulgar din ni Atty. Pagatpat na meron din silang mga NBI agents na kunwari ay nagpa-member mismo sa KAPA at doon napatunayan ang tinatawag na “donasyon†kung saan kumikita ng “blessings†o 30 porsyento kada buwan.
Lumalabas din daw sa inisyal na imbestigasyon na umaabot na sa P100 million ang pay-out ng KAPA kada araw para sa mga nag-invest na mga miyembro.
Dahil dito, tinawag tuloy ni Pagatpat na ang KAPA ay ang “biggest Ponzi scheme†ngayon sa kasaysayan sa Pilipinas bunsod sa aabot sa bilyon ang posibleng kinikita umano o naloloko sa mga miyembro sa buong bansa.
“Kaya napakaliwanag nito, na its bound to fail. Dahil ang ibinibigay na porsyento doon sa mga first investors ay doon nanggagaling sa mga susunod na investors. Darating ‘yong panahon na hindi na masu-sustain itong mga pay-outs dahil darating din ang panahon na hindi na mag-i-invest ang mga tao,” paliwanag pa ni Pagatpat.
Bunsod nito, maliban sa kasong paglabag sa Section 8 at 26 ng Securities Corporation Code of the Philippines, inihahanda na rin ng NBI ang mabigat na kasong syndicated at large scale estafa laban kay Apolinario, mga opisyal ng samahan, incorporators at mga kasama.
Ang naturang mga kaso ay walang piyansa.
Para naman kay NBI Deputy Director Ferdinand Lavin, naniniwala siyang hindi isang religious ministry ang ginagawa ng naturang grupo kundi isang “criminal enterprise.â€
“Ang totoo nito is that they are operating as a criminal enterprise,†dagdag pa ni Atty. Lavin.