KORONADAL CITY- Nagbabala ngayon ang South Cotabato PNP sa pangunguna ni Police Colonel Joel Limson sa mga frontliners ng KAPA at ng iba pang investment scams na patuloy sa panghihikayat sa publiko kahit ipinasara na at nagpalabas na ng stoppage order ang korte laban sa iligal na operasyon ng mga ito.
Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Col. Limson na patuloy ang kanilang monitoring sa galaw ng mga affiliates ng KAPA na patuloy na nagbibigay ng maling impormasyon upang mahikayat ang mga miyembro at umasa na makabalik pa ang kanilang aktibidad lalo na sa pag-iinvest ng pera.
Aminado si Col. Limson na base sa kanilang monitoring marami pa rin ang naloloko at patuloy na umaasa na makakakuha pa ng pera mula sa nasabing investment scam.
Sa kabila nito ipinasisiguro ni Col. Limson na walang transaksyon ng KAPA kaugnay sa pera ang nagaganap ngayon.
Kaugnay nito binalaan ni Limson ang mga frontliners na patuloy sa panloloko na mananagot ang mga ito sa batas.