-- Advertisements --

GENERAL SANTOS CITY – Abandonado, hindi natapos, at ninanakaw na ang ilang parte ng building na ito na pagmamay-ari ng KAPA Ministry ni Joel Apolinario na matatagpuan sa Brgy. Bagacay Alabel, Sarangani Province.

Ito ang nagsisilbing main office ng Kabus Padatoon o KAPA kung saan dito ginawa noon ang pagpi-pay-in at pay-out ng mga miembro/investors.

Sa kasagsagan ng operasyon ng KAPA, araw-araw ay nagmistulang piyesta sa nabanggit na lugar dahil sa sobrang dami ng mga tao.

Subalit biglang nagbago ang lahat noong ipinatigil ni Former President Rodrigo R. Duterte ang ilegal na operasyon ng naturang grupo.

Matatandaan na ang Bombo Radyo Gensan ang tanging nagsiwalat ng panluluko ni Apolinario na nagresulta sa ibat-ibang uri ng harassment sa mga anchors at mismong sa himpilan.

Samantala, binisita ng Bombo Radyo ang KAPA office at napag-alaman na binabantayan ng barangay ang naturang lugar upang hindi mapasok ng mga magnanakaw o mga miyembro na galit kay Apolinario.

Sa kabilang dako, galit na galit pa rin ang isa sa mga naging biktima ng KAPA matapos hindi na naibalik ang kanyang P200,000 na investment at sinabing hindi man lang nakatikim sa ipinakong tubo mula sa kanyang ininvest sa pera.

Ayon pa kay Alias Bebang na dahil sa desisyon ng Regional Trial Court sa Butuan City na 8 counts na life imprisonment nawalan na siya ng pag-asa na maibalik pa ang kanyang pera.