CAGAYAN DE ORO CITY- Pa-iimbestigahan ni Cagayan de Oro 1st Disrict Cong. Roland ‘Klarex’ Uy sa kamara ang kontrobersiyang kinasasangkutan ng KAPA Ministry International Inc.
Sa mensaheng kanyang ipinaabot sa Bombo Radyo, sinabi ng kongresista na handa itong mag-file ng resolution sa oras na magsimula ang 18th congress para ma-imbestigahan ang KAPA.
Naniniwala rin daw ito na susuportahan ng kanyang kapwa mga mambabatas ang isusumite nitong proposed resolution.
Ayon kay Cong. Uy, dapat lamang itong ma-imbestigahan dahil nakaka-alarma na ang dami ng mga taong nabiktima ng grupo ni KAPA founder Pastor Joel Apolinario.
Inamin din ng mambabatas na kinumbinsi siya noon ng iilang opisyal ng KAPA na mag-donate ng pera, ngunit kaniya umano itong tinanggihan dahil hindi siya makapaniwala sa laki ng return of investments na aabot sa 30 hanggang 40 percent.
Aniya, kahit ang Bangko Sentral ng Pilipinas o BSP ay hindi makapag-bigay ng ganoong kalaking return of investments.
Pinuri rin nito si Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa pagpasara nito ng mga tanggapan ng KAPA nang sa gayo’y hindi na madaragdagan ang bilang mga taong mabiktima nito.