CEBU – Hinihintay na ng Siaton Negros Oriental Police Office ang mga saksi o mga complainant ng KAPA-Community Ministry, Inc., bago sila magsagawa ng police operation.
Ito’y matapos na nakumpirma ng pulisya na nakapasok na diumano ang KAPA sa kanilang lalawigan at may mga tao na ang nakapag-invest nito.
Giit ni Police Major Don Richmond Conag, ang chief of police ng Siaton, malinaw na isang investment scam ang KAPA dahil wala itong business permit at hindi malaman kung sila ba ay isang investment company o religious group.
Sa pag-iimbestiga ng mga otoridad, nabatid ni P/Maj. Conag na isang deed of donation ang pipirmahan ng mga kliyente, bagay na malinaw na hindi isang uri ng ligal na investment.
Dagdag pa ng hepe, nang idinulog nila ito sa treaurer’s office ng munisipyo, sinasabing sinubukan ng KAPA na kumuha ng business permit ngunit hindi ito pinayagan ng local government unit.
Habang nilinaw ni Conag na wala sa kanyang mga tauhan ang pumasok sa nasabing investment scam.