KORONADAL CITY – Kinumpirma ng mga otoridad na naaresto na ang KAPA (Kabus Padatoon) founder na si Pastor Joel Apolinario sa nangyaring sagupaan sa mansyon nito sa Lingig, Surigao del Sur.
Sa isang panayam, inihayag ni P/Major Rennel Serrano na isinilbi ang search warrant maliban pa sa warrant of arrest sa lider ng naturang investment scam ngunit nauwi ito sa engkuwentro ng private army umano ni Apolinario sa isang isolated resort sa Sitio Dahican, Brgy Handamayan sa bayan ng Lingig.
Batay sa pulisya dalawa ang nasawi sa mga tauhan ng wanted na pastor at isa ang sugatan, habang isa sa 24 na naaresto sa lugar ay si Apolinario.
Nabatid na nakumpiska rin ang ilang matataas na kalibre ng armas katulad ng M60 machine gun at iba pang high powered firearms.
Iniulat din ni Serrano, mayroon pang mga naka-deploy na sniper si Apolinario sa itaas ng kaniyang bahay.
Ang operasyon ng pulisya kasama ang SWAT team at mga tauhan ng Philippine Coast Guard ay batay na rin sa kasong syndicated estafa na may criminal case No. R-CDO-20-00706-CR na inisyu ni Judge Gil Bollozos, ang presiding judge ng 10th Judicial Region, RTC, Branch 21 sa Cagayan de Oro City.
Walang inirekomendang piyansa si Judge Bollozos sa kaso ni Apolinario.
Samantala ang search warrant naman ay dahil sa paglabag ng suspek sa Republic Act 9516 at Republic Act 10591 na inisyu ni Judge Shineta Tare Palacio, ang presiding judge ng 11th Judicial Region, RTC, Branch 41, Cantilan sa Surigao del Sur.
Batay naman sa spot report mula sa tanggapan ng PNP regional director sa Reg. 13, narito ang mga narekober na armas mula sa kampo ni Apolinario: “30 units M16 rifle, 2 units M4 rifle, 1 unit garand rifle, 3 units 60 caliber machine gun, 1 unit 50 caliber sniper rifle, 3 units caliber .22 rifle, 1 unit carbine, 1 unit shotgun, 2 units RPG, 5 units caliber .45 pistol at assorted ammunitions.”
Sa ngayon ay nagpapatuloy ang search operation sa lugar. (with reports from Bombo Radyo Gensan)