GENERAL SANTOS CITY – Nagmartsa ang tinatayang mahigit sa 3,000 kasapi ng Kabus Padatuon o KAPA Community Ministry International Inc. matapos magsagawa ng peace rally sa Oval Plaza sa lungsod ng General Santos.
Nakasunod naman ang pulisya at Task Force Gensan para bigyan ng seguridad ang nasabing grupo na ilahad ang kanilang mga hinaing matapos ipasara ni Pangulong Rodrigo Duterte ang operasyon sa buong bansa ng KAPA.
Una nang sinabi ni Lt. Col Ronald Peñaverde, OIC City PNP Director na maglalagay sila ng maraming pulis para mapangalagaan ang grupo.
Pasado alas-12:00 ng Huwebes ng tanghali lumabas ang mga KAPA members sa Oval Plaza at dumaan sa kalsada papuntang SM Mall sa Santiago Boulevard at doon namalagi hanggang bumalik sa plaza.
Maliban sa Regional Mobile Battalion, nagpadala din ng augmentation force ang walong presinto sa lungsod pati na ang Explosive Ordnance Division team.
Hindi naman nagpakita ang Founder ng KAPA na si Joel Apolinario sa lugar.