Mas lalo pang hinigpitan ng Bureau of Immigration (BI) ang kanilang pagbabantay sa mga paliparan at pantalan na posibleng gamitin sa pagtakas ng mga opisyal ng KAPA na sangkot sa multi billion peso investment scam.
Una rito, sinabi ni Justice Sec. Menardo Guevarra na base sa monitoring ng Immigration, wala pang ano mang record sa database ng BI na nakalabas na ng bansa ang founder ng KAPA na si Pastor Joel Apolinario.
Dahil dito, naniniwala ang Department of Justice (DoJ) at BI na nasa bansa pa rin si Apolinario na patuloy na nagtatago sa mga otoridad.
Tiniyak naman ng Immigration na nakaalerto ang kanilang mga tauhan sakaling may mag-tangkang lumabas ng bansa sa sino mang opisyal ng KAPA Ministry.
Una rito, nagpalabas na ang isang korte sa Davao ng Precautionary Hold Departure Order (PHDO) laban Kay Pastor Apolinario, misis nitong si Reyna na tumatayong corporate secretary ng KAPA.
Kabilang din dito ang anim pang KAPA officials na sina Margie Danao na board of trustee at mga opisyal na sina Marisol Diaz, Adelfa Fernandico, Moises Mopia, Catherine Evangelista at Rene Catubigan.
Noong Hunyo 18, nang isampa ng Securities and Exchange Commission (SEC) ang kanilang reklamo laban sa KAPA dahil sa paglabag sa Sections 8 at 28 ng Securities Regulation Code.