-- Advertisements --
KAPA JOEL APOLINARIO 2
KAPA founder and Pastor Joel Apolinario

KORONADAL CITY – Muli na namang naglabas ng video ang Kabus Padatuon (KAPA) founder na si Joel Apolinario para sa kaniyang mga miyembro na nananawagan na magsagawa ng synchronize prayer rally.

Sa nasabing video na tumagal ng dalawang minuto sa Facebook, nagpahayag ito na sa ngayon ay naka-freeze ang lahat ng pera at assets na nakapangalan sa kaniya at sa kaniyang asawang si Reyna Apolinario matapos ang crackdown ng gobyerno laban sa iligal na operasyon ng KAPA.

Kung maaalala ang Securities and Exchange Commission (SEC) ang humiling sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) na i-freeze ang mga assets ng KAPA kung saan sa ngayon nasa P100 million ang pinipigil ng gobyerno.

Aminado naman si Apolinario na wala na raw itong solusyon kung papaano maibabalik ang pera ng kanilang mga miyembro na nag-invest sa kanila at tanging panalangin na lamang ang kanilang magagawa.

Dagdag pa nito, sa ngayon daw ay kasalukuyan siyang nagtatago dahil umano sa banta sa kaniyang buhay.

Note: Pls click above audio statement of Pastor Joel Apolinario

Una nang tinawag nang Pangulong Rodrigo Duterte na “continuing crime” ang ginagawa ng KAPA na nagtatago umano sa relihiyon upang makahikayat ng maraming investors ngunit “deed of donation” ang pinapipirmahan upang walang habol ang mga biktima.

Ilang KAPA victims na rin gaya ni alyas Mildred na nag-invest ng P500,000 ang nananawagan na harapin ni Apolinario ang mga miyembro upang maibalik ang kanilang pera.

Si Apolinario at iba pang opisyal ng KAPA na binansagan ng NBI na pinakamalaking pyramiding scam o investment scheme sa kasaysayan sa Pilipinas ay nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act No. 8799 o Securities Regulation Code (SRC).

Lumalabas sa imbestigasyon ng Securities and Exchange Commission na hinihimok ng KAPA ang publiko na mag-donate ng P10,000 kapalit ng 30 percent monthly “blessing” o “love gift” for life.

Pinapangakuan daw ang mga magdo-donate na mag-invest kahit hindi na sila magtrabaho at maghintay na lamang sa kanilang payout.

Si Apolinario at iba pang mga opisyal at incorporators ng KAPA ay una nang ipinasailalim ng DOJ sa Bureau of Immigration sa lookout bulletin.

Samantala, kumilos na rin ang Department of Interior and Local Government (DILG) at pinatitiyak sa Philippine National Police (PNP) na dapat ay hindi na makapambiktima pa ang mga naglilipanang mga investment scam sa bansa lalo na ang KAPA na sangkot sa pyramiding scheme.

Ayon kay DILG spokesperson at Usec. Jonathan Malaya, partikular na pinatututukan ni Secretary Eduardo Año sa pulisua ang mga bagong nagsusulputang grupo o kompaniya na ang layon ay makapanloko ng kapwa.

Ani Malaya, ang direktiba ni Sec. Año sa PNP ay kasunod sa utos ng Pangulong Duterte na ipasara na at ipatigil ang operasyon ng KAPA.

Note: Pls click above audio statement of Pres. Duterte on KAPA while on GenSan visit
duterte pastor apollo quiboloy

Umapela naman ang DILG sa publiko na kapag may mga impormasyon sila ukol sa mga investment scam agad na ipagbigay alam sa PNP ng sa gayon agad itong maimbestigahan.

Bukod sa PNP, ipinag-utos din ni Sec. Año sa mga alkalde na kanselahin at itigil na ang pagbibigay ng business permit sa KAPA o Kabus Padatuon.

Mahaharap sa patung-patong na kaso ang mga local chief executives kapag hindi sinunod ang inilabas na memorandum ng DILG chief.

Sa kabilang dako, muling nilinaw ni PNP chief Gen. Oscar Albayalde na liban sa KAPA kabilang sa sinalakay din ng PNP CIDG kamakailan ay ang mga sumusunod na investments scams na ORGANICO, REGIN E, ADA FARM, EVER ARM.

Aniya, karamihan ng mga ito ay nasa Mindanao ang operation.