-- Advertisements --
KAPA JOEL APOLINARIO 2
Pastor Joel Apolinario

KORONADAL CITY – Pormal nang nagsampa ng kaso ang ilang mga investor ng kontrobersyal na investment scam na Kabus Padatoon o Kapa Community Ministry International Inc. (KAPA) laban sa founder nitong si Joel Apolinario.

Bago ito ay may mga dumulog na rin sa Bombo Radyo Koronadal upang humingi ng tulong upang magsampa ng kasong estafa laban sa naturang founder.

Kabilang na rito ay ang isang lola kung saan nag-invest ng P500,000 at nang mabalitaan ang biglaang pagkawala ni Apolinario kasabay ng anunsyo ni Pangulong Rodrigo Duterte ay naging balisa na sila at depressed kung paano mababawi ang kanilang na-invest na pera.

Dumagdag sa kanilang pangamba ang sinabi ni Apolinario na wala na umanong paraan upang maibalik pa ang pera dahil sa pag-freeze ng bank accounts nito at pagtatago dahil sa mga banta sa buhay.

Sa kabila nito, patuloy ang paghihikayat ng Bombo Radyo Koronadal sa mga nabiktimang mga investors sa South Cotabato na magsampa ng kaso sa NBI laban sa KAPA founder.

Sa Davao City, inanunsiyo ni Atty. Jamilla Estares, officer-in- charge ng Securities and Exchange Commission (SEC) na maglalagay sila ng help desk para matulungan ang mga nabiktima sa iba’t ibang investment scheme sa rehiyon at sa mga katabing lalawigan.

Layunin umano sa nasabing hakbang na matulungan ang mga investors na maibalik sa kanila ang nawala nilang pera.

Ayon pa kay Atty. Estares, hindi nila pababayaan ang mga biktima na hindi mabawi ang kanilang mga pera sa mga investment scams sa Davao region kung saan karamihan sa mga ito ay hindi na nakuha ang kanilang investments.

Sinabi ni Atty. Estares na ginawa nila ang nasabing hakbang para maprotektahan ang mga tao laban sa mga panloloko sa pinaghirapang pera ng mga biktima.

Kahapon ay pormal nang nagsampa ng kaso sa Department of Justice (DoJ) ang SEC laban kay Apolinario at sa mga opisyal KAPA.

Screenshot 2019 06 18 15 38 54 82
SEC officials filed cases vs KAPA group Joel Apolinario, et al at the Department of Justice

Nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act No. 8799 o Securities Regulation Code (SRC) sina KAPA founder at president Pastor Apolinario, trustee Margie A. Danao at corporate secretary Reyna L. Apolinario.

Kinasuhan din ng SEC sina Marisol M. Diaz, Adelfa Fernandico, Moises Mopia, Catherine Evangelista at Rene Catubigan dahil sa panghihikayat at pag-promote sa naturang investment scam.

Ang mga nabanggit na pangalan ay una na ring inilagay sa lookout bulletin order ng Bureau of Immigration.

“WHEREFORE, premises considered, it is most respectfully prayed of this Honorable Office that after proper proceedings, the corresponding criminal information be filed against respondents for violation of Sections 8 (8.1) of Republic Act No. 8799, otherwise known as the Securities Regulation Code, in relation to Rule 3.1.17 of its 2015 Implementing Rules and Regulations, as well as Sections 26 (26.3) and 28 of the SRC, as penalized in Section 73 thereof,” bahagi pa ng complaint.

Ayon sa SEC, marami pa silang sasampahan ng kaso dahil kasalukuyan pa nilang kinikilala ang ilan pang personalidad na sangkot sa naturang scheme.

Lumalabas daw sa imbestigasyon ng SEC na hinihimok ng KAPA ang publiko na mag-donate ng P10,000 kapalit ng 30 percent monthly “blessing” o “love gift” for life.

Pinapangakuan daw ang mga magdo-donate na mag-invest kahit hindi na sila magtrabaho at maghintay na lamang sa kanilang payout.

“We shall never let up on our crackdown on investment scams, as we uphold our mandate to champion and protect the interests of the investing public,” pagtitiypa pa ni SEC Chairperson Emilio Aquino.