Iprinisinta sa Malacañang ng Presidential Task Force on Media Security sa pangunguna ni Communications Sec. Martin Andanar ang isang suspek at testigo sa pagpatay kay Eduardo Sanchez Dizon ng Brigada News FM-Kidapawan.
Binaril ang station manager na si Dizon habang pauwi noong gabi ng July 2019 sa national highway ng Quezon Boulevard cor. Diversion Road, Sinsuat St., Kidapawan City.
Kabilang sa iniharap si Helario Lapi Jr., ang look-out sa krimen at Renato Seguncillio na siyang nakasaksi sa pamamaril.
Ayon kay Lapi, kasama siya sa meeting na ipinatawag ng Kabus Padatuon (KAPA) leader na si Dante Tabosares alyas Bong Encarnacion kung saan nito iniutos ang pagpatay kay Dizon dahil sa pagiging kritikal sa KAPA scheme.
Ayon kay Lapi, may ilang mamamahayag pa na maaaring target din ng KAPA dahil sa pagbatikos sa kanilang iligal na gawain.
Kabilang pa sa akusado sina Junell Gerozaga na siyang gunman at Jun Jacolbe na kanang-kamay ni Tabosares.
Inihayag naman ni Gng. Dizon na kumbinsido siyang KAPA ang nasa likod ng pagpatay sa kanyang mister lalo’t bago ang krimen, sinisiraan sila sa Facebook ng mga taga-KAPA.
Sa ngayon, naisampa na ang kasong murder laban sa mga suspek sa City Prosecutor’s Office of Kidapawan.
Itinalaga naman ni Regional Prosecutor for Region XII Al P. Calica si City Prosecutor Mariam April Linsangan ng Cotabato City para sa pagsasagawa ng preliminary investigation.